Main content

    Learning About Your Health

    Stroke (Atake sa Utak) Ang Pangangalaga sa Iyo sa Ospital at sa Bahay
    Stroke: Your Care at the Hospital and at Home


    Stroke (Atake sa Utak) Ang Pangangalaga sa Iyo sa Ospital at sa Bahay [PDF]Opens new window (228KB)
    (Download ng isang libreng kopya ng Acrobat ReaderOpens new window)

    Maligayang pagdating sa California Pacific Medical Center.

    Pakibasa ang impormasyong ito tungkol sa kalagayan ng iyong kalusugan. Nais ka naming maging bahagi sa mga desisyon na may kinalaman sa pangangalaga sa iyo. Kung mayroon kang mga kapamilya, tagapag-alaga, o kaibigan na nangangalaga sa iyo, mangyaring ibahagi sa kanila ang mga impormasyong ito.

    Ang bawat tao ay may naiibang kondisyong pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong, mangyaring kumonsulta sa mga doktor, nars, at therapist na nangangalaga sa iyo.


    Ang Pangangalaga sa Iyo sa Ospital

    Ano ang Stroke (Atake sa Utak)?

    Ang stroke (atake sa utak) ay nangyayari kapag ang arterya (ugat na daluyan ng dugo) na nagdadala ng dugo sa utak ay nabarahan o pumutok. Ang kakulangan ng pagdaloy ng dugo ay nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga selula ng utak. Matapos ang stroke, ang ilang mga paggana ng katawan ay maaaring mawala, tulad ng pananalita o paggalaw ng mga bahagi ng katawan. Ito ay batay sa dalawang bagay:

    • aling bahagi ng utak ang napinsala

    • gaano kalubha ang naging pag-atake
    Ang stroke ay pangatlo sa nangungunang sanhi ng kamatayan sa Estados Unidos, sumusunod sa sakit sa puso at kanser, at ito ang pangunahing dahilan ng malubha at pang-matagalang disabilidad.

    Mayroong dalawang uri ng stroke, ischemic at hemorrhagic.
    1. Mga stroke na ischemic: bumubuo ng 80% ng lahat ng mga stroke. Ang mga ischemic na stroke ay nangyayari kapag hindi tuluy-tuloy ang pagdaloy ng dugo sa utak. Mayroong dalawang uri ng ischemic na stroke:
      • Mga stroke na trombotiko: ang pinakakaraniwang uri ng mga stroke. Ang mga stroke na ito ay sanhi ng pamumuo ng dugo (thrombus) sa arterya na bumabara sa pagdaloy ng dugo patungo sa isang bahagi ng utak. Ang mga pamumuo ng dugo ay kadalasang nakikita sa mga arterya na napinsala ng aterosklerosis, o plak.

      • Mga stroke na emboliko: ay sanhi ng mga namuong dugo (embolus) na gumagalaw. Ang pamumuo ay matatagpuan sa isa pang bahagi ng iyong katawan (kadalasan sa puso o leeg) na bumabara sa arterya.
    2. Mga stroke na hemorrhagic: bumubuo sa 20% ng lahat ng mga stroke. Ang mga stroke na hemorrhagic ay nangyayari kapag pumutok ang arterya na nagiging sanhi ng pagdurugo sa loob ng ulo. Mayroong dalawang uri ng mga stroke na hemorrhagic:
      • Intracerebral hemorrhage: ang pagdurugo ay nangyayari sa loob ng utak.

      • Subarachnoid hemorrhage: ang pagdurugo ay nangyayari sa labas ng utak, sa subarachnoid na bahagi (sa pagitan ng utak at ng bungo). Ang pagdurugo ay kadalasang sanhi ng aneurysm (buu-buong dugo na kumakalat palabas mula sa arterya) na pumutok o malpormasyong arteriovenous (AVM, buhol-buhol na mga ugat na mayroon na mula pa nang ikaw ay isilang).

    Back to top

    Ang Iyong Pamamalagi sa Ospital

    Karamihan sa mga tao ay namamalagi sa ospital sa loob ng 3–6 na araw matapos ang stroke na ischemic at maaaring mas matagal pa matapos ang stroke na hemorrhagic. Ang tagal ng pamamalagi ay nakabatay sa:

    • kung kailangan mong operahan

    • kung alam ang dahilan ng iyong stroke

    • kung kailangan mo pa ng mas maraming therapy

    Back to top

    Ang Iyong mga Gamot sa Ospital

    Pangunahing Panlunas sa mga Stroke na Ischemic

    Mga Gamot na Nakakaalis ng Pamumuo ng Dugo
    Maaari kang kumuha ng gamot sa loob ng ugat
    (intravenously) upang gamutin ang stroke na ischemic. Ang mga gamot na ito, na tinatawag na thrombolytics, ay tumutulong sa pagtunaw ng mga namuong dugo dulot ng stroke. Sa kabuuan, ang lunas na ito ay dapat na ibigay sa loob ng 4.5 na oras pagkasimula ng stroke.

    Ang mga gamot na nakakapagpatunaw ng mga namuong dugo ay maaari ding ibigay sa tulong ng kateter (manipis na tubo). Ang kateter ay ikinakabit sa ugat sa ari, at pinatutunton sa baradong ugat sa utak. Maaari ding gumamit ng mga pampalabnaw ng dugo upang maiwasan ang pamumuo ng mas marami pang dugo.

    Ang pangunahing panganib ng mga ganitong lunas ay pagdurugo. Ang pagdurugo ay maaaring maging masidhi at magdulot ng panganib sa buhay.

    Mekanikal na Pag-aalis ng Pamumuo ng Dugo
    Ang paraang ito ay ginagamitan ng kateter na pinatutunton sa ugat na barado. Ang namuong dugo ay tinatanggal gamit ang isang aparato tulad ng likaw
    (coil) o silo (snare). Ang lunas na ito ay kadalasang ibinibigay kasama ang mga gamot na maaaring makapagpatunaw ng mga namuong dugo.

    Mga Paglunas sa mga Malala at Sinusuring Stroke
    Ikaw ay nasa isang sentro ng pananaliksik para sa panlunas sa stroke at maaaring maanyayahan na makibahagi sa isang pag-aaral. Ang mga bagong panlunas na ito sa stroke ay maaaring mga bagong kasangkapan, gamot, at pinagsama-samang lunas. Kung ikaw ay kwalipikado, makakakuha ka ng mga impormasyon tungkol sa mga bagong lunas na ito at maaari ka ring makibahagi.

    Pag-iwas sa Stroke na Ischemic
    Ang mahalagang bahagi ng pangangalaga laban sa stroke ay kinabibilangan ng paggamit ng mga gamot upang makaiwas sa mas marami pang mga pamumuo ng dugo. Maaari kang makakuha ng isa sa mga sumusunod na gamot na pang-iwas sa pamumuo ng dugo:

    1. Mga antikoagulante (“pampalabnaw ng dugo”): Coumadin (Warfarin) o Heparin
      • Gamit: Upang maiwasan ang mga panibagong pamumuo ng dugo.

      • Bisa: Iniiwasan ng mga antikoagulante ang mga panibago at paglaki ng pamumuo ng dugo.

      • Mga posibleng epekto (side effects): Pagdurugo o pagkakaroon ng pasa.

      • Sa paggamit ng mga gamot na ito, kailangan kang tignan ng iyong doktor nang madalas at kailangan mo rin ng regular na mga pagsusuri ng dugo.
    2. Mga antiplatelet: Aspirin, Clopidogrel (Plavix), kombinasyon ng Dipyridamole/Aspirin (Aggrenox)
      • Gamit: Upang maiwasan ang mga stroke na trombotiko.

      • Bisa: Pinipigilan ng mga antiplatelet ang mga panibago at paglaki ng pamumuo ng dugo.

      • Mga posibleng hindi inaasahang epekto: Pagdurugo o pagkakaroon ng pasa.

      • Hindi mo kailangan ng regular na pagpapasuri ng dugo kapag gumagamit ng mga gamot na ito.
    MGA BABALANG SINTOMAS ng PAGDURUGO
    Sabihin sa iyong doktor o nars kung mayroon ka ng alinman sa mga sintomas ng pagdurugo:
    • madaling pagkakaroon ng pasa

    • pagdurugo kapag nagsisipilyo ng ngipin

    • dark brown na ihi

    • dark brown, pula o itim na dumi

    • mga sugat na hindi tumitigil ang pagdugo

    Back to top

    Operasyon at Interbensyunal na Radyolohiya

    Mga Stroke na Ischemic

    Ang ilang mga stroke ay sanhi ng bara sa mga ugat sa leeg
    (carotid arteries) (mga arterya sa magkabilang bahagi sa harap ng iyong leeg). Mas mataas ang panganib mong ma-stroke kung ang mga arteryang ito ay barado.

    • Ang carotid endarterectomy (CEA) ay isang operasyon upang alisin ang mga bara sa iyong mga ugat sa leeg.

    • Angioplasty sa leeg at pamamaraang stent: Ang angioplasty ay isang paraan upang mabuksan ang isang baradong arterya. Ipinapasok ng doktor sa loob ng arterya ang isang kateter (manipis na tubo) na may maliit na lobong nakapalibot. Nilalagyan ng hangin ang lobo upang buksan ang ugat. Maaari ding maglagay ang doktor ng isang hungkag na tubong may mistulang lambat (mesh), na tinatawag na stent, sa loob ng arterya upang buksan ito. Tulad ng carotid endarterectomy (CEA), makakatulong sa iyo ang operasyong ito upang maiwasan mo ang panganib na makaranas muli ng stroke.
    Mga Stroke na Hemorrhagic

    Subarachnoid Hemorrhage (SAH): Maraming mga panlunas para sa ganitong uri ng stroke. Maaaring magmungkahi ang iyong doktor ng operasyon o endovascular (kateter) coiling (pagpupulupot).
    • Operasyon — pag-ipit ng aneurysm sa pamamagitan ng kraniotomiya: Kinabibilangan ito ng pagbutas sa bungo upang malunasan ng siruhano (surgeon) ang aneurysm. Ang siruhano ay naglalagay ng isang metal na pang-ipit sa dulo ng aneurysm at pagkatapos ay tinatakpan ito.

    • Coil Embolization: Sa paraang ito, ang aneurysm ay binabalot sa napakanipis na mga paikot na hibla. Ang pamamaraang ito ay ginagawa mula sa loob ng mga ugat at mas madali kaysa operasyon.
    Mga Intracerebral na Stroke (ICH): Ang uri ng stroke na ito ay kadalasang binibigyang lunas sa tulong ng mga gamot at kung minsan, operasyon.
    • Mga gamot: upang pababain ang presyon at makontrol ang pagdurugo.

    • Operasyon: upang maalis ang namuong dugo sa pamamagitan ng pagbutas sa bungo.

    Back to top

    Matapos ang Stroke

    Matapos mong makaranas ng stroke (atake sa utak) o TIA (Transient Ischemic Attack — isang panandaliang stroke na tumatagal lamang ng ilang minuto), mas mataas ang panganib na makaranas kang muli ng isa pang stroke. Obserbahan ang mga tanda o sintomas ng isa pang stroke. Tumawag sa 911. Mas matagal, mas mapanganib!!! Bilisan!

    Ipaalam kaagad sa iyong mga doktor, nars, at/o therapist kung mayroon ka ng alinman sa mga sintomas ng stroke:

    MGA SINTOMAS ng stroke:

    1. Lumalaylay na balat sa mukha: mas nakikita kapag nakangiti ang pasyente.

    2. Braso: sabihin sa pasyente na itaas at inatin ang kanyang mga braso nang nakaharap ang mga palad sa taas at ipikit ang kanyang mga mata. Ang isang braso ay kusang bababa/babagsak kung siya ay na-stroke. Ang panghihina/pagkawala ng sensasyon ay maaaring makita sa braso o binti.

    3. Pananalita: hindi tuwid, mali ang mga salita, o hindi nagsasalita.

    Back to top

    Pagpaplano ng Iyong mga Gawain

    • Kung ikaw ay nakakabangon na, humingi ng tulong sa iyong nars.

    • Magsimulang gumalaw nang dahan-dahan: bumiling sa kama, umupo sa upuan, o maglakad papunta sa banyo. Dapat kang tulungan ng mga nars sa mga gawaing ito hanggang sa ligtas na para sa iyo na gawin ang mga ito nang mag-isa.

    • Ang physical therapist ang nagtuturo sa iyo kung paano gumalaw nang ligtas at tama lalung-lalo na kung nahihirapan kang igalaw ang iyong mga braso at binti.

    • Ang occupational therapist ang tutulong sa iyo upang matutuhang muli ang mga gawain sa pang-araw-araw na buhay tulad ng pagkain, pag-inom, pagbibihis, pagsusulat, pagbabasa, pagpunta sa banyo, atbp.

    • Ang speech o occupational therapist ang tutulong sa iyo ng paraan ng pakikipag-usap kung nahihirapan kang magsalita o intindihin ang mga salitang sinasabi.

    • Ang speech therapist ang makatutulong sa iyo kung nahihirapan kang lumunok. Sasanayin ka ng speech therapist na kumain at mumungkahian ng pinaka-angkop na uri ng pagkain para sa iyo.

    • Makipag-ugnayan sa namamahala ng iyong kaso upang planuhin ang iyong rehabilitasyon sa iyong pag-uwi.

    • Kung gumagamit ka ng pustiso at/o salamin, ipadala ito sa ospital.

    Back to top

    Ang Iyong Diyeta

    • Maaari mong kainin ang iyong regular na pagkain kapag kaya mo ng kumain at lumunok nang ligtas.

    • Ang dietitian ang tutulong sa iyo na pumili ng balanseng diyeta.
    Mga Problema sa Paglunok
    • Ang speech therapist at dietitian ang tutulong sa iyong tukuyin ang pinaka-angkop na uri ng pagkain at ipapakita sa iyo ang iba't ibang paraan ng paglunok nang ligtas.

    • Iwasan ang pagkain na "bumaba sa maling paraan" sa iyong mga baga:
      • Umupo nang tuwid kapag kumakain.

      • Kumagat/Sumubo nang maliliit at kumain nang mabagal. Nguyaing mabuti ang iyong pagkain.

      • Kumagat/Sumubo at uminom nang paisa-isa.

      • Huwag magsalita kapag may laman ang iyong bibig.

      • Huwag gumamit ng straw upang uminom ng mga likido.

      • Tiyaking nalunok mo ang lahat ng pagkain sa iyong bibig at wala nang natira dito.

      • Manatiling nakaupo sa loob ng 30 minuto pagkatapos kumain bago ka humiga.

    Back to top

    Mga Paglunas at Pagsusuri sa Iyo

    • Oxygen therapy (kung kailangan).

    • Ang mga intravenous (IV) fluid ay maaaring ibigay kapag nakakainom ka na ng mga likido.

    • Ang tubo sa pagpapakain ay maaaring ilagay kung hindi ka nakakalunok ng mga pagkain at inumin.

    • Ang kateter sa pag-ihi (maliit, manipis na tubo) ay inilalagay minsan sa iyong pantog upang ikaw ay makaihi.

    • Ang mga “neuro checks” ay isinasagawa ng doktor at nars upang tignan kung naapektuhan ng stroke ang iyong pag-iisip, memorya, at paggalaw ng iyong mga braso at binti. Ipapasabi nila ang iyong pangalan, ang petsa at ang lugar kung saan ka naroon. Tinitignan nila kung paano nag-re-react ang iyong mga mata sa ilaw, at ang lakas at paggalaw ng iyong mga kamay at paa.

    • Ang pag-aaral sa paglunok ay ginagawa kapag ikaw ay nahihirapang lumunok.

    • Ang CT scan sa ulo at/o MRI scan ay nagpapakita ng mga larawan ng iyong utak at maaaring magpakita kung anong uri ng stroke ang nangyari sa iyo at kung saan ito matatagpuan.

    • Ang carotid ultrasound ay maaaring gawin upang ipakita ang mga ugat sa magkabilang bahagi ng iyong leeg.

    • Ang echocardiogram ay maaaring gawin upang tignan ang iyong puso at mga barbula ng puso.

    • Ang cerebral angiography ay nagbibigay ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga ugat at sa utak.

    Back to top

    Pagkuha ng Suporta Mula sa Medical Team

    • Ang stroke ay isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng ilang mga disabilidad. Maaari itong maging nakakabigla para sa iyo at sa iyong pamilya, at maaaring mahirap harapin. Matapos ang stroke, maaaring makaramdam ka at ang iyong pamilya ng matinding kalungkutan, pagkabalisa, panghihina ng loob, at galit.

    • Ibahagi mo ang iyong mga iniisip at nararamdaman sa iyong mga doktor, nars, tagapamahala ng kaso, social worker, at pari. Humingi ka ng tulong na pampinansyal para sa iyong paghahanda sa pagbalik sa bahay at sa magiging sitwasyon sa iyong bahay.

    • Maaari kang tulungan ng mga tagapamahala ng kaso at social worker na ihanda ang iyong pagbalik sa bahay, at sa mga oras ng pangangailangan o mahihirap na sitwasyon. Nagbibigay sila ng mga impormasyon tungkol sa mga tulong na pangmatagalan mula sa komunidad.

    • Tumutulong din ang mga tagapayong pampinansyal kung mayroon kang mga tanong tungkol sa iyong health insurance.

    • Ang mga pari ay maaaring lapitan anumang oras. Ipagbigay-alam sa iyong doktor o nars kung gusto mong mabisita.

    Back to top

    Pag-aayos ng Iyong Transportasyon sa Bahay

    • Hindi ka maaaring magmaneho pauwi pagkatapos mong ma-stroke. Humingi ng tulong sa iyong kapamilya o kaibigan upang ipagmaneho ka.

    • Makipag-usap sa mga tagapamahala ng kaso kung kailangan mo ng tulong sa pag-uwi sa bahay o pag-akyat ng hagdan. Karamihan sa mga insurance ay hindi nagbabayad ng iyong transportasyon pauwi sa bahay.

    Back to top

    Patuloy na Pangangalaga: Pagpasok sa Post Acute Unit (Licensed Skilled Nursing Facility)

    Maaaring magdesisyon ang iyong doktor na panatilihin ka sa ospital upang ituloy ang paggagamot o rehabilitasyon. Kung maayos na ang iyong kondisyon, ngunit kailangan mo pa ng pangangalaga na higit pa sa maaaring gawin sa bahay, maaari kang pumunta sa isa sa mga Post Acute Unit ng California Pacific, o sa isang Skilled Nursing Facility sa komunidad.

    Ang mga
    Post Acute Unit ng California Pacific ay lisensyado, at ang mga Skilled Nursing Facilities ay nagbibigay ng panandaliang pag-aalaga para sa mga taong kailangang madala sa "acute" na ospital. Sa isang Post Acute Unit, makakakuha ka ng mas maraming uri ng rehabilitasyon; halimbawa, physical therapy, occupational therapy, speech therapy, IV antibiotics, at pagpapalit ng benda.

    Isang grupo ng mga doktor, nars, tagapamahala ng kaso,
    social worker, dietitian, at therapist ang nagtutulung-tulong upang pangalagaan ka. Ang iyong pangunahing doktor ay hindi nagbabago, ngunit maaari ka niyang ipaubaya sa isa sa mga doktor sa Post Acute Unit. O maaaring maging bahagi ng medical team doon ang iyong doktor.
    Back to top

    Paglipat sa Acute Rehabilitation

    Ang Acute Rehabilitation Center ay isang ospital na mayroong grupo ng mga doktor, nars, therapist, tagapamahala ng kaso, at social worker. Nakatutulong ito sa mga tao na maaaring gumawa ng hindi bababa sa 3 oras ng therapy bawat araw. Ang uri at dalas ng therapy na matatanggap mo ay nakabatay sa mga paghihirap na dinaranas mo pagkatapos ng stroke. Maaari kang tulungan ng mga physical (pampisikal), occupational (panggalaw), speech (pansalita), at respiratory (paghinga) therapists. Ang Acute Rehabilitation Center sa California Pacific Medical Center ay nasa Davies Campus (Castro & Duboce Streets).

    Ang ospital ang nag-aayos para sa iyong paglipat sa pamamagitan ng ambulansya, wheelchair van, o pribadong kotse kung ikaw ay nasa Pacific Campus. Sa Davies Campus, ikaw ay inililipat sa pamamagitan ng wheelchair o habang ikaw ay nasa iyong kama.

    Pag-uusapan ninyo ng iyong doktor kung kailan ka maaaring umuwi. Bago ka lumabas ng ospital, isang nars na tagapamahala ng kaso o isang
    social worker ang makikipagkita sa iyo at sa iyong pamilya upang pag-usapan ang mga dapat mong alagaan sa iyong sarili sa bahay, o upang tulungan kang humanap ng lugar kung saan ka mananatili upang makuha ang tulong na kailangan mo.
    Back to top

    Pag-iwas sa Muling Pagkaka-Stroke

    Humigit-kumulang sa 1/3 ng mga nakaligtas sa stroke ang nagkakaroon muli nito sa loob ng 5 taon. Maraming mga kondisyong medikal ang maaaring magpataas ng panganib na muli kang makaranas ng stroke: mataas na presyon ng dugo, paninigarilyo, mataas na kolesterol, at hindi regular na pagtibok ng puso. Upang mabawasan ang panganib na ito, panatilihin ang isang malusog na pamumuhay at makipagtulungan sa iyong doktor upang gamutin ang iba mo pang mga problema sa kalusugan.

    Mga Kondisyong Medikal na Nakapagpapataas ng Panganib na Muli Kang Ma-Stroke

    Ang mataas na presyon ng dugo (hypertension) ang pangunahing sanhi ng stroke, ngunit ito ay nagagamot. Mas mataas ng 4 hanggang 6 na beses ang iyong tsansa na makaranas ng stroke kung mataas ang presyon ng iyong dugo at hindi ito ginagamot. Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo ay nagiging sanhi ng pagkakaroon ng plak at namuong dugo na bumabara (stroke na ischemic) o pagputok (stroke na hemorrhagic).

    Mga maaari mong gawin:

    • Suriin nang regular ang presyon ng iyong dugo. Kung mas mataas sa 135/85, ipaalam sa iyong doktor. Ang lahat ng mga pasyenteng na-stroke ay dapat na may normal na presyon ng dugo (120/80 o mas mababa).

    • Iwasan ang matataba at maaalat na mga pagkain.

    • Itigil ang paninigarilyo.

    • Regular na mag-ehersisyo, hindi bababa sa 3 beses sa isang linggo (15–40 minuto sa bawat ehersisyo). Kumonsulta muna sa iyong doktor bago magsimula ng isang programa sa pag-eehersisyo.

    • Uminom ng gamot na inireseta ng iyong doktor upang kontrolin ang presyon ng iyong dugo.
    Ang diyabetis (mataas na antas ng blood sugar) ay nagpapataas ng tsansa na muli kang ma-stroke nang 2 hanggang 3 beses.

    Mga maaari mong gawin:
    • Sundin ang diyetang binigay sa iyo ng doktor o nutritionist.

    • Regular na mag-ehersisyo, hindi bababa sa 3 beses sa isang linggo (15–40 minuto sa bawat ehersisyo). Kumonsulta muna sa iyong doktor bago magsimula ng isang programa sa pag-eehersisyo.

    • Kung mabigat sa normal ang iyong timbang, itanong sa iyong doktor o nutrintionist kung paano ito mapapababa.

    • Inumin ang mga gamot na inireseta para sa iyong diabetes. Ang pagkontrol sa presyon ng iyong dugo ay mas nakababawas sa panganib.
    Ang mga problema sa puso (cardiovascular), tulad ng paghina ng puso, problema sa balbula ng puso, at lalung-lalo na ang hindi regular na tibok ng puso (atrial fibrillation), ay maaaring magpataas sa tsansa na ikaw ay ma-stroke. Kung hindi gagamutin, ang hindi regular na tibok ng puso ay maaaring magpataas sa panganib na makaranas ka ng stroke nang 4 hanggang 6 na beses.

    Mga maaari mong gawin:
    • Regular na magpa-check-up sa iyong dokor.

    • Inumin ang mga gamot na inireseta para sa iyong problema sa puso.
    Ang paninigarilyo ay nagpapataas nang doble sa tsansa na ikaw ay ma-stroke. Kung ikaw ay naninigarilyo, TUMIGIL na ngayon. Bukod sa masama sa baga, ang paninigarilyo ay nakasisira din ng mga pader ng daluyan ng dugo, nakapagpapatigas ng arterya, nakadadagdag sa trabaho ng puso, at nakapagpapataas ng presyon ng dugo. Kung ititigil mo ang paninigarilyo ngayon, sa loob ng 2–5 taon, ang iyong panganib na makaranas ng stroke ay magiging parehas na lang sa panganib ng isang tao na hindi naninigarilyo.

    Mga maaari mong gawin:
    • Kumonsulta sa iyong doktor kung paano titigil sa paninigarilyo.

    • Tumawag sa 1-800-NO-BUTTS para sa mga iba pang impormasyon tungkol sa pagtigil sa paninigarilyo.

    • Kung ikaw ay nasa ospital, makipag-usap sa nars na tumutulong sa mga pasyente na tumigil sa paninigarilyo. Humingi ng mga pulyeto na naglalaman ng mga nakatutulong na tip at mga referral.
    Ang mataas na antas ng kolesterol ay maaaring makabara sa iyong mga arterya.

    Mga maaari mong gawin:
    • Alamin ang antas ng iyong kolesterol.

    • Kumain ng pagkain na mababa ang kolesterol at taba, lalung-lalo na ang mga saturated na taba. Ang mataas na kolesterol at taba ay matatagpuan sa pula ng itlog, karne, at mga produktong mula sa gatas.

    • Regular na mag-ehersisyo, hindi bababa sa 3 beses sa isang linggo (15–40 minuto sa bawat ehersisyo). Kumonsulta muna sa iyong doktor bago magsimula ng isang programa sa pag-eehersisyo.

    • Inumin ang mga gamot na inireseta ng iyong doktor.
    Ang malakas na pagkonsumo ng inuming may alkohol: Ang higit sa 2 inuming may alkohol bawat araw ay maaaring magpataas sa presyon ng iyong dugo at magdagdag ng 3 beses sa panganib na makaranas ka ng stroke. Maaari itong magdulot ng sakit sa atay at iba pang sakit o suliraning pangkalusugan.

    Mga maaari mong gawin:
    • Kung ikaw ay umiinom ng mga inuming may alkohol, makipag-usap sa iyong doktor.

    • Bawasan ang dami ng alkohol na iyong iniinom hanggang sa mas kaunti sa 3 oz. ng likor, 8 oz. ng wine, 24 oz. ng beer, o 2 inumin bawat araw.
    Ang paggamit ng mga bawal na gamot tulad ng cocaine, amphetamine, at heroin ay maaaring magpataas sa presyon ng iyong dugo at magdulot ng hindi regular na tibok ng puso na maaaring humantong sa stroke.

    Mga maaari mong gawin:
    • Kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa programa ng paggamot na makakatulong sa iyo upang tigilan ang paggamit ng mga gamot na ito.
    Ang mga impeksyon (mula sa virus at bacteria) ay maaaring makapagpataas ng panganib ng pagkakaroon ng stroke.

    Mga maaari mong gawin:
    • Panatilihin ang kalinisan ng ngipin at katawan.

    • Hugasan ang kamay nang madalas, lalung-lalo na pagkatapos gumamit ng banyo at bago hawakan ang anumang bahagi ng iyong mukha (ilong, mata, bibig).

    • Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa anumang hindi pangkaraniwang impeksyon na hindi nawawala at anumang mabagal o hindi gumagaling na mga sugat.
    Ang pagkipot ng mga carotid na arterya o mga malalaking ugat sa parehas na bahagi ng iyong leeg kung saan maaaring mabuo ang plak at magdulot ng pagbabara.

    Mga maaari mong gawin:
    • Tanungin ang iyong doktor kung ang iyong mga ugat sa leeg ay maaaring makadagdag sa panganib na makaranas ka ng stroke.

    • Inumin ang mga iniresetang gamot na pampalabnaw ng dugo.

    • Maaaring imungkahi ng iyong doktor ang opersyon o angioplasty upang tanggalin ang plak. Ito ay batay sa dami ng bara sa carotid na mayroon ka.
    Ang pagkakaroon ng mataas na timbang, mataas na kolesterol, matabang diyeta at kakulangan sa ehersisyo ay maaaring maging sanhi ng mataas na presyon ng dugo, problema sa puso, aterosklerosis, at diabetes.

    Mga maaari mong gawin:
    • Kontrolin ang iyong timbang. Kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa timbang na tama para sa iyo.

    • Kumain ng masusustansyang pagkain: mababa sa kolesterol, hindi mataba, maraming mga halamang butil, prutas, at gulay (4–6 na handa para sa isang araw).

    • Regular na mag-ehersisyo, hindi bababa sa 3 beses sa isang linggo (15–40 minuto sa bawat ehersisyo). Kumonsulta muna sa iyong doktor bago magsimula ng isang programa sa pag-eehersisyo.
    Ang sikolohikal na stress ay maaaring magpataas ng presyon ng dugo at magdulot ng paglala ng aterosklerosis (pagkapal at paninigas ng mga arterya). Ang stress ay maaaring maging mapanganib lalung-lalo na sa mga taong may mataas na presyon at problemang aterosklerosis.

    Mga maaari mong gawin:
    • Subukan ang mga gawaing nakakawala ng stress tulad ng pisikal na ehersisyo, pagrerelaks, meditasyon, at humanap ng mga gawaing kawili-wili para sa iyo.

    • Ipahayag ang iyong mga nararamdaman at saloobin sa iyong mga mahal sa buhay, doktor, at kawani.

    Back to top

    Pangangalaga sa Iyo sa Bahay

    Makipagkita Muli sa Doktor

    Kailangan mong makipagkitang-muli sa iyong doktor sa loob ng 1 hanggang 2 linggo matapos kang bumalik sa bahay.
    Back to top

    Ang Iyong mga Gamot sa Bahay

    Magbasa tungkol sa mga antikoagulante at antiplatelet na gamot para sa mga pag-iwas sa stroke na ischemic na nasa pahina 5.
    Back to top

    Mga Babalang Sintomas ng Stroke

    Kung mayroon kang mga sintomas sa nervous system na iba o mas malubha kaysa sa iyong mga naunang sintomas, tumawag kaagad sa iyong doktor o sa 911—MAGMADALI!

    Kami ay nakapagbigay-lunas sa mga uri ng stroke ngunit ang lunas ay kailangang ibigay sa ospital sa loob ng 4.5 oras pagkatapos ng iyong mga unang sintomas.

    MAS MATAGAL, MAS MAPANGANIB. Bilisan, ang bawat minuto ay mahalaga!

    Ang F.A.S.T. ay maaaring makatulong sa iyo na tukuyin ang mga sintomas ng stroke:

    1. Facial droop is best seen when the person smiles. (Lumalaylay na balat sa mukha na mas nakikita kapag nakangiti ang isang taong na-stroke.)

    2. Arm (Braso): Sabihin sa pasyente na itaas at inatin ang kanyang mga braso nang nakaharap ang mga palad sa itaas at ipikit ang kanyang mga mata. Ang isang braso ay kusang bababa/babagsak kung siya ay na-stroke. Ang panghihina/pagkawala ng sensasyon ay maaaring makita sa braso o binti.

    3. Speech (Pananalita): hindi tuwid, mali ang mga salita, o hindi nagsasalita.

    4. Time (Oras) na para tawagan kaagad ang iyong doktor o ang 911.

    Back to top

    Pagpaplano ng Iyong mga Gawain

    • Gawin ang magagawa mo para sa iyong sarili habang nasa bahay. Mag-break at magpahinga. Maaari ka ring magplano ng mga gawain sa labas ng bahay.

    • Sanayin sa bahay ang mga gawain at ehersisyong natutunan mo sa ospital.

    • Gamitin ang iyong mga mahinang braso hangga't maaari.

    • Maaari mong ituloy ang pagpapa-therapy sa bahay o pumunta sa ospital para dito.

    • Kumonsulta sa iyong doktor kung kailan ka maaaring bumalik sa mga dati mong gawain.

    • Maaari kang makaramdam ng pagkapagod pagkatapos ng stroke dahil sa maraming dahilan:
      • Maaaring mas kaunti ang iyong lakas.

      • Maaaring tulad ng dati ang lakas ngunit ginagamit mo na ito sa ibang paraan.

      • Maaari kang makaramdam na mas pagod dahil sa mga emosyonal na pagbabago at hindi pisikal.

      • Maaari kang makaramdam ng depresyon. Ito ay isang karamdamang nagagamot na nangyayari sa maraming pasyente na nakaligtas sa stroke. Ang mga sintomas ay kinabibilangan ng: kakulangan sa lakas, kakulangan ng motibasyon, kakulangan ng konsentrasyon, o hindi pagiging masaya sa kahit na ano. Kumonsulta sa iyong doktor kung sa tingin mo ay nakararanas ka ng depresyon.

    Back to top

    Ang Iyong Diyeta

    Kainin ang mga iminumungkahi ng iyong speech therapist at dietitian.
    Back to top

    Mga Mungkahi para sa Pansariling Pangangalaga at Kaligtasan sa Bahay

    Paliligo:
    Kung mahina ka sa isang bahagi o nahihilo, gumamit ng shower chair. Tutulungan ka ng iyong occupational therapist na pumili ng tamang shower chair para sa iyo.

    Iwasan ang mga Pinsala:

    • Ilagay ang mga bagay sa abot-kamay na lugar sa lahat ng mga kwarto; huwag piliting kunin ang mga bagay na mahirap abutin para sa iyo.

    • Gamitin nang angkop ang mga kasangkapang makatutulong sa iyo.

    • Iwasan ang paggamit ng mga basahan sa loob ng banyo at tanggalin ang anumang basahan na hindi nakadikit sa lapag upang maiwasan ang iyong pagbagsak.

    • Alisin ang mga bagay na nakakasagabal sa iyo sa iyong kwarto, sa daanan, at sa tarangkahan.

    • Tumawag sa 911 o gumamit ng lifeline kapag kinakailangan.

    Back to top

    Mga Pagbabago sa Emosyon Matapos ang Stroke

    Pagkatapos ng stroke, maaari kang makaranas ng mga pagbabago sa emosyon. Maaaring magmula ito sa biolohikal na sanhi ng stroke, o sikolohikal na sanhi ng mga epekto ng stroke.

    Mga Biolohikal na Sanhi:

    • Maaari kang makaranas ng mabilisang pagbabago ng emosyon at mga episodyo ng pag-iyak o pagtawa na hindi tutugma sa iyong nararamdaman.

    • Ang depresyon matapos ang stroke ay kinabibilangan ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pakiramdam na walang kakayahan, pagiging iritable, at/o mga pagbabago sa pagkain, pagtulog, at pag-iisip. Maaari mong kailanganin ng paggamot para sa depresyon matapos ang stroke. Kumonsulta sa iyong doktor kung nararanasan mo ang alinman sa mga sintomas na ito at inumin ang mga iniresetang gamot.
    Mga Sikolohikal na Sanhi:
    • Ang mga pagbabago sa iyong emosyon ay maaaring kabilangan ng pakiramdam ng panghihina ng loob, pagkabalisa, galit, kawalan o kakulangan ng motibasyon, at/o depresyon o kalungkutan. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga epekto ng stroke at pagtanggap sa mga pakiramdam na ito, maaari mong simulan ang pagharap sa mga emosyonal na pagbabago.
    Paano ko Malalagpasan ang Aking mga Nagbabagong Emosyon?
    • Huwag mong husgahan ang iyong pakiramdam na "mabuti" o "masama." Hayaan mong harapin ng iyong sarili ang mga pagbabago sa iyong emosyon nang hindi nakakaramdam ng pagiging guilty.

    • Makipag-usap sa mga taong nakakaintindi sa iyong pinagdadaanan: ibang mga nakaligtas sa stroke at mga propesyunal sa pangangalaga sa kalusugan (halimbawa, mga doktor, nars, therapist, at social worker). Magtanong tungkol sa pagsali sa isang support group.

    • Isipin ang iyong sarili sa positibong paraan. Hayaan ang iyong sarili na magkamali. Kilalanin ang mga progresong nagawa mo (malaki o maliit). Mag-ehersisyo at humanap ng mga gawaing kawili-wili para sa iyo.

    Back to top

    Mga Ibang Paraan para Matuto

    1. Panoorin ang Patient Video Education Channel sa iyong kwarto sa ospital. Sundin ang mga instruksyon na ito upang gamitin ang video library sa maraming mga paksa sa kalusugan:
      • Ilipat sa channel 60 ang TV, at sundin ang mga direksyong makikita sa monitor.

      • Pasyente ng Pacific Campus: i-dial ang extension 78888, pasyente ng California Campus: i-dial ang extension 21000, at pasyente ng Davies Campus: i-dial ang extension 33600.

      • Umorder ng videotape batay sa kategorya o titulo sa pamamagitan ng pakikinig sa mga impormasyong binibigay sa telepono.
    2. Makibahagi sa Stroke Education Class: “Stroke Survivor Starting Over” ("Pagsisimulang Muli ng Isang Nakaligtas sa Stroke"). Ang klaseng ito ay libre at bukas para sa lahat. Ang mga klase ay ginaganap sa California Pacific Regional Rehabilitation Center, Davies Campus (Castro & Duboce Streets). Para sa karagdagang impormasyon, tumawag sa 415.600.6380 o 415.600.5340.

    3. Bisitahin ang Our Community Health Resource Center para sa mga klase at mga nasusulat na impormasyon tungkol sa iba't ibang paksa sa kalusugan. Ang Stroke Survivor Support Group ay nagkikita-kita tuwing unang Huwebes ng buwan mula 1:00 hanggang 2:30 p.m. Ang CHRC ay nasa 2100 Webster Street, San Francisco, (415) 923-3155.

    4. Bisitahin ang mga sumusnod na website:

    Ginawa ng mga kawani at doktor ng California Pacific Medical Center sa tulong ng Center for Patient and Community Education. Huling nirebisa: 9/10.

    Mga Sanggunian:
    American Heart Association; American Stroke Association; Castillo-Richmond, et al. Effects of stress Reduction on Carotid Atherosclerosis in Hypertensive American. Stroke. 2002; 341:568.


    Paalala: Ang impormasyong nakapaloob dito ay hindi naglalayong palitan ang anumang impormasyon o personal na payong pangkalusugan na nakukuha nang direkta mula sa iyong doktor. Kung may mga katanungan ka tungkol sa mga impormasyong nakapaloob dito, tulad ng mga panganib o benepisyo ng mga paglunas na ibinahagi, mangyaring tanungin ang iyong doktor.
    Back to top